TRES KANTOS, WAGI BILANG KAUNA-UNAHANG GRAND CELEBRITEAM NG “WE LOVE OPM”


Wagi ang trio nina Jovit Baldivino, Bugoy Drilon, at Dominador Aviola na Tres Kantos bilang kauna-unahang grand CelebriTeam sa Grand Celebrity Sing-Offs ng “We Love OPM” noong Linggo ng gabi (July 17) sa Newport Performing Arts Theater.

Nakakuha ang grupo, na sumailalim sa mentor na si Erik Santos, ng 80.45% na combined scores mula sa public votes at score na ibinigay ng music icon na si Maestro Ryan Cayabyab.


Nag-uwi ang grupo ng P2 milyon, na ang kalahati ay mapupunta sa kanilang napiling charity, ang Casa San Miguel.

Tinalo ng Tres Kantos ang Oh My Girls na binubuo nina Ylona Garcia, Krissha Viaje, at Alexa Ilacad – na mi-nentor ni Yeng Constantino – na nakakuha ng 58.27% ng combined scores. Samantala, nagkamit naman ng 57.78% ang O Diva ni KZ Tandingan at kinabibilangan nina Emmanuelle Vera, Liezel Garcia at Klarisse de Guzman.




“Sobrang saya, kaba, excitement, happiness. Halo-halo, mixed emotions,” saad ni Bugoy sa isang interview matapos ang show.

Ayon naman kay Jovit, na siyang nanalo sa unang season ng “Pilipinas Got Talent,” “Hindi namin talaga ma-explain ang nasa loob namin. Grabe, this is the second time na naging grand champion ako at ngayon sobra talagang naramdaman ko ulit ‘yung lumalaban.”

“Sobrang nagpapasalamat ako sa bumubuo ng programang ‘to. Bakit nandito ako ngayon, utang ko sa kanilang lahat,” sambit naman ni Dominador or Daddy D, na nauna nang nakipagtagisan sa bosesas sa “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime.”

Ibinahagi naman ni Erik na kahit na nagsilbi siyang mentor sa programa, marami rin siyang natutunan tungkol sa kanyang sarili dahil sa buong karanasan niya rito. “Sobra ang learning na nabigay nitong show na ito. Sobra akong grateful na napasama ako sa napakagandang show na. Ang dami kong na-discover sa sarili ko, 'yung weaknesses and strengths ng bawat miyembro ko.”

Bukod sa mga bigating performances ng grand finalists, nag-perform din ang “I Love OPM” Grand TouriStar na si Yohan Hwang, Sam Concepcion, at Inigo Pascual.

Ang iba pang “We Love OPM” CelebriTeams na nakipaglaban sa programa ay ang Voice Next Door ni Richard Poon na kinabibilangan nina Kyle Echarri, Bailey May, at Juan Karlos Labajo, Hot Spots ni Jay-R na kinabibilangan nina Marrki Stroem, Ryan Sy, at Alex Diaz, at Power Chords ni Nyoy Volante na kinabibilangan nina Kaye Cal, Marlo Mortel, at Marion Aunor.

Sa pangunguna ni Anne Curtis inilunsad ang “We Love OPM: The Celebrity Sing Offs” noong Mayo matapos ang matagumpay na season ng “I Love OPM.”


Muli namang magsasama-sama ang mentors at celebriteams sa isang espesyal na “We Love OPM: Ang Soundtrack ng Buhay Natin” ngayong Sabado (July 23) pagkatapos ng “MMK” sa ABS-CBN.

Comments

  1. It is perfect time to make some plans for the future and it is time to be happy. I’ve read this post and if I could I desire to suggest you some interesting things or suggestions. Perhaps you could write next articles referring to this article. I want to read more things about it!
    Hey, know About Jessica Henwick Star Wars? Visit Our page or Read Here this article.

    ReplyDelete

Post a Comment