ABS-CBN PRESIDENT AND CEO CHARO SANTOS-CONCIO, IBINUNYAG ANG SIKRETO NG MGA PATOK NA KAPAMILYA PROGRAM
Ano ang sikreto sa likod ng tagumpay ng mga palabas ng
ABS-CBN kung kaya’t patuloy na tinatangkilik at minamahal ang mga ito ng
publiko?
Ayon sa ABS-CBN president at CEO na si Charo
Santos-Concio, pumapatok ang mga programa ng Kapamilya network dahil pinapakita
ng mga ito ang mga kahanga-hangang katangian ng mga Pilipino.
“Hindi ito tungkol sa amin, kundi sa magagandang
katangian ng ating mga kababayan na nagbibigay ng inspirasyon sa mga manonood,”
pahayag ni Santos-Concio sa kanyang keynote speech sa “Fifty Shades of
Marketing” conference, na ginanap sa Sofitel Plaza Manila kamakailan.
Aniya, dahil dito kaya tumatak sa mga manonood ang top-rating
programs na “Be Careful With My Heart” at “Forevermore” na ipinakita ang tunay
na kwento ng mga Pilipino.
Ayon sa kanya, isa sa mga bagay na pinakamahalaga para sa
mga Pilipino ay ang integridad ng kanilang pamilya. Dahil dito kaya nagtagal sa
ere ang morning show na “Be Careful With My Heart” dahil sa mga eksenang bida
ang damayan at pagbubuklod ng pamilya.
“Pamilya ang lahat para sa mga Pinoy. Kaya nilang
gumising sa umaga dahil dapat silang kumayod nang husto para sa pamilya. Kaya
nilang tanggapin ang lahat ng parusa dahil nariyan ang kanilang pamilya na tutulungan
silang gumaling. Mas nagiging mahalaga ang bawat tagumpay at kabiguan kapag
kasama ang pamilya,” aniya.
Isa pang teleseryeng sinubaybayan ng publiko ay ang “Forevermore”
na pinagbidahan nina Enrique Gil at Liza Soberano. Bukod sa nakakakilig na
chemistry ng dalawang bida, napalapit pa rito ang mga manonood dahil sa ganda
ng La Presa at ng mga karakter na nakatira rito.
Ani Santos-Concio, ipinakita ng “Forevermore” ang kabutihan
ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pakikipagkapwa-tao sa komunidad.
Bukod sa feel-good na mga eksena, tinatangkilik din ang Kapamilya
programs at mga pelikula ng Star Cinema dahil nakaka-relate ang mga manonood sa
mga bida na sinasalamin ang kanilang mga tunay na karanasan.
Halos kalahati na ng mga manonood nationwide ang tumutok
sa ABS-CBN noong Hunyo matapos humataw ang Kapamilya network sa average
national audience share na 47% kumpara sa 32% ng GMA, base sa datos mula sa
Kantar Media.
Mula rin sa ABS-CBN ang mga pinakapinapanood na programa
sa bansa ngayon. Ngayong Hulyo, nagtala ang “The Voice Kids,” “Pangako Sa ‘Yo,”
“Pasion de Amor,” at “Nathaniel” ng kani-kanilang all-time high ratings.
Bukod sa TV viewership, mainit na pinapanood na rin ng
mga Pilipino noong Hunyo ang mga palabas ng ABS-CBN sa kanilang computers,
laptops, o smartphone gamit ang video-on-demand at livestreaming service ng
iWanTV na nakakuha ng 74.6 milyong page views noong Hunyo. Nangunguna sa pinakapinanood
na Kapamilya shows online ang “Pangako Sa’yo” (4.2 million views), “Pasion de
Amor” (1.5 million views), “Bridges of Love” (1.5 million views), “Oh My G”
(1.2 million views), at “Gandang Gabi Vice” (866,777 views).
Ang Philippine Marketing Association ang nag-organisa ng “Fifty
Shades of Marketing” na pinamunuan ng ABS-CBN chief digital officer na si Donald
Lim.
Comments
Post a Comment