Tatlong araw na lang para mag-bid! KOTSE NI ANGEL, UMABOT NA SA P1.8M ANG BID



Mas malaking pag-asa ang naghihintay sa mga batang estudyante na nasalanta ng bagyong Yolanda dahil sa paglaki rin ng bids para sa sinusubastang 1970 Chevrolet Chevelle ng aktres na si Angel Locsin na umabot na sa P1.8 million.
Kamakailan nga ay binuksan ng Sagip Kapamilya ang isang online auction para sa muscle car na idinonate ni Angel kung saan gagamitin ang malilikom na pera para magpatayo ng mga classroom sa mga lugar na hinagupit ng bagyo noong Nobyembre.
Nasa P1 milyon dapat ang minimum bid ngunit ngayon ay halos doble na ang inabot nito na nangangahulugang mas maraming pera ang maaaring gugulin para sa kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa mga interesado pang higitan ang current bid ay mag-bid na online sa http://auction.abs-cbn.com. Mag-register muna at gumawa ng inyong sariling account sa site bago makapag-bid.
Magsasara ang auction sa Miyerkules (April 30). Para sa karagdagang impormasyon o mga katanungan, bumisita lang sa auction site o tumawag sa 4114995 para magpa-schedule ng viewing appointment.
Umabot na sa mga 3.6 milyung kataong apektado ng bagyong Yolanda ang naabutan ng relief goods ng Sagip Kapamilya at 303 bangka at iba pang kagamitan sa pangingisda na ang naipamigay na sa iba’t-ibang coastal areas habang 21 silid-aralan naman ang nasimulang gawin sa ilang bayan.

Layunin ng Sagip Kapamilya na makapagbahagi ng 4,000 bangka at makapagpatayo ng mahigit 100 classrooms sa mga bayan ng Basey, Marabut, Sta. Rita (Samar) at Dulag (Leyte) — mga bayang itinalaga ng pamahalaan sa ABS-CBN para isagawa ang rehabilitation projects nito— pati na rin sa Masbate, Palawan at Panay Islands. Nakahanda na ring isagawa ang mga proyektong pangkabuhayan tulad ng pagpapadami ng alimango, pagtatanim, paghahabi ng banig, at pagpapa-unlad ng ecotourism. 

Comments